Hinimok ng National Privacy Commission (NPC) ang Kamara na gawing “future-proof” ang sim card registration bill.
Ayon kay NPC Deputy Commissioner Leandro Aguirre, kapag walang future-proofing ang nasabing panukala ay hindi mapipigilan ang paglaganap ng text scam.
Ang “future-proofing” ay hakbang upang hindi maapektuhan ang isang bagay ng mga hamong maaaring kaharapin sa paglipas ng panahon.
Halimbawa nito ang s.m.s. spoofing, na isang uri ng scam kung saan nagpapanggap ang perpetrator bilang opisyal o authentic business entity upang makapanloko ng biktima kahit nasa ibang bansa.
Isa anya ito sa mga hindi maaaring tugunan ng sim card registration kaya’t umaasa sila sa NPC na ikukunsidera ng Kongreso ang future proofing ng bill.
Ipinunto ni Aguirre na kung magiging sapilitan ang pagpa-rehistro ng sim cards, tiyak na hahanap ng ibang paraan ang mga tao na hindi sasaklawin ng naturang panukala.
Sa kabila nito, suportado ng privacy watchdog ang sim card registration bill dahil marami itong mga katangiang tinataglay upang ma-protektahan ang mga mamamayan laban sa krimen.