Hindi itinanggi o kinumpirma ni Senador Francis Escudero kung aanib sa minorya o sa mayorya ng mga senador sa pagbubukas ng 17th Congress sa July 25.
Ito’y kasunod ng mga umuugong na balita na si Escudero ang pinakamatunog na magiging minority leader ng senado.
Nilinaw ng Escudero na wala pang katiyakan ang mga umuugong na balita hangga’t walang nagyayaraing botohan ang mga senador.
Sakaling mapunta sa minorya, makakasama ni Escudero sina senators Ralph Recto ng Liberal Party at Antonio Trillanes ng Nacionalista Party.
Gayunman, binigyang diin ni Escudero senador na walang bago para sa kanya kung sa minorya siya mapunta.
Anti-balimbing bill
Samantala, isinusulong ni Senate President Franklin Drilon ang panukalang batas na nagbabawal sa pagiging balimbing o political butterfly ng mga pulitiko.
Ito’y sa pamamagitan ng Senate Bill 226 o ang Political Party System Act na siyang magpapatatag sa loyalty o katapatan at ideological principles ng isang partido pulitikal.
Nakasaad sa nasabing panukala, pagbabayarin ang isang pulitiko ng 25 porsyentong surcharge kung aalis sa kanyang partido maliban pa sa pagsasauli ng mga tinanggap na pondo mula rito.
Sa ganitong paraan anya ay magda-dalawang isip ang isang pulitiko na lumipat sa liyamadong partido o sa kung anong partido kabilang ang nanalong pangulo.
By Drew Nacino | Jaymark Dagala