Nananawagan ang grupong Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa mga Local Government Unit, partikular sa mga barangay official na maging patas sa pagpapatupad ng No vaccine, No ride policy.
Bagaman naniniwala ang LCSP na hindi “absolute” ang nasabing polisiya ng Department of Transportation, ang tunay na issue ay kung maipatutupad ba ito nang maayos at hindi magdudulot ng kalituhan.
May mga exemptions sa naturang kautusan partikular sa mga hindi bakunadong mayroong medical condition na kailangang magpakita ng medical certificate.
Ang pangalawa anilang exemption ay mas malawak kung saan pwede pa ring makasakay sa public transportation ang unvaccinated kung bibili ng essential goods, tulad ng pagkain o gamot na kailangan naman ng barangay certificate bilang patunay.
Nababahala naman ang LCSP sa parusang ipapataw sa mga operator at driver na lalabag dito sa polisiya lalo’t libu-libo ang pasaherong maaaring maapektuhan kung mababawasan pa ang mga jeep o bus.
Ipinunto rin ng grupo na tama naman ang DOTr na protektahan ang bawat mananakay laban sa COVID-19 pero dahil sa dami ng nais ipatupad ng ahensya ay hindi malayong malimutan nito ang tunay nilang layunin na tiyaking mayroong masasakyan ang publiko.