Nasa kamay na ng Sandiganbayan kung papayagang maging state witness si Janet Lim-Napoles sa mga kaso ng PDAF scam.
Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio Morales, nakasuhan at nabasahan na ng sakdal si Napoles kaya’t nasa Korte na ang kapangyarihang pagpasyahan kung maaari siyang gawing state witness.
Gayunman, sa panig anya ng Office of the Special Prosecutor (OSP) sa ilalim ng Ombudsman, haharangin nila at hindi nila pahihintulutang maging state witness si Napoles.
Ang OSP anya ang titimbang kung puwedeng maging state witness si Napoles at ngayon pa lamang ay masasabi nang hindi ito papasa sa pamantayan.
Wala rin anyang magagawa ang DOJ o Department of Justice kahit pa magsagawa ito ng panibagong imbestigasyon sa PDAF scam dahil tanging ang Korte ang may huling salita kung puwede o hindi puwedeng state witness si Napoles.
Maliban dito, sinabi ni Morales na hindi na kailangan ang panibagong imbetigasyon ng DOJ sa PDAF scam dahil may isinasagawa pang imbestigasyon ang Ombudsman para sa iba pang personalidad na sangkot sa PDAF scam.
By Len Aguirre