Nagsimula na umanong maghasik ng lagim ang grupo ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP – NPA) at National Democratic Front (NDF) sa iba’t ibang lalawigan sa buong bansa.
Ayon kay Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong, pinuno ng binuong panel para isulong na ideklara bilang teroristang grupo ang CPP – NPA, hawak na nila ang mga kinakailangang dokumento at ebidensya hinggil sa mga paglabag ng grupo.
Ito aniya ang gagamitin nilang batayan para tuluyan nang ideklara ng Korte na isang teroristang grupo ang CPP – NPA alinsunod na sa naging deklarasyon mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, nilinaw ni Ong na target ng inihain nilang petisyon na ideklarang terorista ang buong grupo ng CPP – NPA at hindi ang ilang mga pinuno nito partikular na ang kanilang Founding Chairman Jose Maria Sison.