Para sa mga babad sa trabaho riyan, ingat-ingat at huwag kalimutan ang sarili dahil baka kalusugan niyo ang maging kapalit ng sobrang kasipagan niyo. Pero mayroon nga bang ambag ang pagiging subsob sa trabaho sa pagputok ng ugat sa utak?
Ang buong kwento, alamin.
Nitong nakaraang Nobyembre lang ay na-comatose at sumailalim sa isang operasyon ang negosyante na si Erika Duran dahil sa biglaang pagputok ng ugat sa kaniyang utak.
Nakaranas daw muna siya ng seizure at nakita na lang na tila wala ng malay bago ito dinala sa ICU at tinubuhan.
Pero bago ‘yon ay matagal na palang nakakaramdam ng pagsakit ng ulo si Erika. Hinala niya, resulta ito ng stress at pagiging workaholic niya.
Dahil dito ay dumaan sa isang open brain surgery si Erika para tanggalin ang namuong dugo sa ugat ng kaniyang utak.
Nang dalhin sa ospital ay napag-alaman na mayroon palang Arteriovenous Malformations o AVM si Erika na ayon sa Cerebrovascular Neurosurgeon na si GV T. Liabres ay ang pagkakaroon ng abnormal connection sa artery at utak.
Sa isang pahayag, sinabi ni Dr. Liabres na ang dugo na pina-pump ng ating puso ay dumederetso rin sa ating utak at dumadaan sa arteries. Pero sa kaso ng AVM, naghahalo-halo ang daloy ng dugo at may tyansa na mauwi sa rupture.
May posibilidad din daw na ang stress at pagpupuyat ay mayroong kontribusyon sa pressure sa ugat sa utak kung kaya ito pumutok.
Bukod sa sakit na inabot niya rito ay halos wala rin daw maalala si Erika matapos ang kaniyang operasyon.
Samantala, nagpapahinga muna si Erika mula sa trabaho at tuluy-tuloy pa ring nagpapagaling.
Ikaw, workaholic ka rin ba? Hinay-hinay.