Naniniwala ang Department of Justice o DOJ na maaaring mabahiran ng pulitika ang intensyon ni Senadora Leila De Lima na paimbestigahan ang umano’y suhulan sa Bureau of Immigration o BI.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, hindi malayong mabigyang-kulay ang pagnanais ni De Lima ng isang senate blue ribbon inquiry sa 2 immigration officials na nagkataong apppointees at mga ka-brod ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Lex Talionis Fraternity.
Gayunpaman, malugod umanong tatanggapin ni Aguirre ang imbestigayon ng Senado sa nasabing panunuhol ng negosyanteng si Jack Lam sa mga immigration officials upang matukoy rin ang iba pang kawani ng ahensya na sangkot sa bribery cases.
Una nang pinahayag ni De Lima na nais niyang paimbestigahan ang Bribery Scandal sa BI dahil marami aniya itong kwestyon na mahalagang mabigyang-linaw at hindi aniya uubrang ipaubaya sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation o NBI ang pag-iimbestiga sa naturang isyu dahil kontrolado ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang Bureau of Immigration.
Dagdag pa ni De Lima, kaduda-duda ang kawalan ng agarang aksyon ni Aguirre sa kaso ni Lam.
By: Avee Devierte / Bert Mozo / Race Perez