Ikinadismaya ng mga health advocate ang umano’y kabiguan ng Department of Health o DOH na ipatupad ang paglalagay ng graphic health warnings sa mga pakete ng sigarilyo.
Sa ilalim ng Republic Act 10643 o ang Graphic Health Warnings Law, ngayong Nobyembre ang implementasyon ng batas kung saan dapat ilagay sa bawat pakete ng yosi ang mga imahe ng masasamang epekto ng paninigarilyo.
Ayon kay Atty. Karla Rocas-Dejelo ng Health Justice Philippines, hindi dapat naaantala ang pagpapatupad nito lalo’t mahigit 200 Pinoy ang namamatay kada araw dahil sa yosi.
Next year
Samantala, binigyang diin ng Department of Health o DOH na sa susunod na taon pa ang implementasyon ng Republic Act 10643 o ang Graphic Health Warnings law.
Ayon kay DOH External Affairs and Regulations Chair Alex Padilla, tinatapos pa lamang ng ahensya ang draft ng implementing rules and regulations o IRR para sa naturang batas.
Giit ni Padilla, hindi na dapat magre-release ang mga kompanya ng sigarilyo ng pakete ng yosi na walang graphic warning labels simula sa March 2016.
Ipatutupad na rin aniya ang mahigpit na pagbabawal sa pagbebenta ng walang warning labels sa Nobyembre ng susunod na taon.
Ang Pilipinas ay isa sa apat na bansa sa ASEAN Region na walang graphic warnings sa mga pakete ng yosi.
By Jelbert Perdez