Posibleng maantala ang pagpasa sa proposed P4.5 trilyong national budget para sa susunod na taon.
Ito ang pangamba ng ilang mga senador matapos pagpasiyahan ng House of Representatives na suspendihin ang kanilang sesyon hanggang sa Nobyembre 16.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, binalewala ng House of Representatives ang kahilingan ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawing prayoridad ang pagpasa sa panukalang budget.
Iginiit ni Sotto, wala silang paraan para matapos sa oras ang pagtalakay sa national budget kung hindi ito maisusumite sa kanila ng mababang kapulungan bago ang nakatakdang session break sa Oktubre 14.
Umaasa naman si Senate Committee On Finance Chairman Sonny Angara na tutuparin ng House of Representative ang kanilang pangako na maipasa sa ikatlong pagbasa ang 2021 national expenditure program bago ng kanilang session break.
Sinabi ni Angara, hindi nila mapipilit ang kanilang mga kapwa mambabatas sa kamara, bagkus ay umapela lamang sa mga ito na tumupad na naunang napagusapan.