Pinag-aaralan pa rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang SSS pension hike.
Ayon kay Communications Secretary Martin Andanar, layon ng Pangulo na mabigyan ang mga pensioner ng win-win solution na siyang makapagbibigay ng karagdagang pension sa mga ito at katiyakang makatutugon pa rin ang ahensya sa pagbabayad ng utang sa lahat ng oras.
Giit ni Andanar, ayaw rin ng Pangulo na gamitin ang pera ng mga nagbabayad ng buwis lalo na ang mga hindi miyembro ng SSS.
Samantala, pinalagan naman ni National Union of People’s Lawyers Chairman at dating Bayan Muna Representative Neri Colmenares ang naging hakbang ng Pangulo.
Sinabi ni Colmenares na dapat itong tuparin ng Pangulo lalo’t isa ito sa kanyang mga ipinangako noong kampanya.
Aniya, hindi kailanman mababangkarote ang SSS dahil dumarami ang nagiging miyembro nito taun-taon bukod pa sa maaari itong bigyan ng subsidiya ng gobyerno.
Kakayanin naman umano ng SSS na magpatupad ng dagdag pensiyon nang hindi nagpapatupad ng dagdag sa buwanang hulog.
Sa halip, iginiit din ni Colmenares na dapat habulin ang mga pasaway na employer na hindi naghuhulog ng tamang kontribusyon mula sa kanilang miyembro.
By Jelbert Perdez | Jaymark Dagala