Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na iniimbestigahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang ulat na may halong kemikal na ethylene oxide ang produktong Lucky Me! Noodle Soup at Pancit Canton ng Monde Nissin.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, wala pa silang hinaharang na produkto sa bansa dahil bineberipika pa ang ulat at kumukuha rin nang karagdagang detalye sa produkto.
Ang ethylene oxide ay isang uri ng kemikal na nagdudulot ng pananakit ng ulo, pagduduwal, pagsusuka, pagtatae, hirap sa paghinga, pagkahilo, panghihina, eye at skin burns at frostbite, maliban pa sa reproductive effects nito.
Ilalabas naman ng FDA ang resulta ng imbestigasyon sa lalong madaling panahon.