Trending ngayon sa South Korea ang pagprito at pagkain ng toothpick!
Sa isang viral video mula sa TikTok, makikita kung paano ibinabad sa tubig at iprinito ang toothpick na nagmistulang curly fries matapos maluto.
Ayon sa ilang nakakain, kalasa nito ang fried rice cakes na maaari ring lagyan ng seasoning katulad ng cheese at spicy powder.
Hindi gawa sa kahoy, gaya ng nakasanayan natin, ang mga toothpick mula sa South Korea. Mula ito sa sweet potato at corn starch, kaya naman environmentally friendly at biodegradable ito.
Gayunman, nagbabala ang Ministry of Food and Drug Safety (MFDS) ng South Korea laban sa pagkain ng toothpick.
Ayon sa kagawaran, hygiene product at hindi dapat gawing pagkain ang toothpick. Hindi rin verified kung ligtas itong kainin.
Maging paalala sana ito na huwag basta-basta sumubok sa anumang trending na challenge sa social media. Mag-research muna at tiyaking safe ito dahil mas mahalaga pa rin ang iyong kaligtasan kaysa likes at shares.