Sasagutin ng pamahalaan ang gastos sa pagkain at pansamantalang tutuluyan ng mga health care workers na pinalayas sa kanilang mga tinitirahan.
Ito ang inihayag mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte kasabay ng paghikayat sa mga health care workers na makipag-ugnayan kay National Task Force COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr. para sa pagkakaloob ng tulong mula sa pamahalaan.
Ayon kay Pangulong Duterte, nakasasama ng loob ang mga balitang pinalalayas sa kanilang mga tinutuluyan ang mga medical workers tulad ng nurse sa kabilang ng kanilang pagiging frontliner laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Dagdag ng pangulo, pipili ang pamahalaan ng lugar kung saan maaaring tumuloy o manirahan ang mga health care workers na malapit lamang sa kanilang pinagtatrabahuan.
Pabiro ring inihirit ni Pangulong Duterte na hindi dapat tanggapin sa mga ospital ang landlord o may-ari ng gusaling nagpapalayas sa mga health workers.