Naniniwala ang Malakanyang na malaking dagok sa Maute Terrorist Group ang pagkaka-aresto sa ama ng magkapatid na Omar at Abdullah na si Cayamora Maute sa lungsod ng Davao kamakalawa.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, tiyak nang madidiskaril ang mga nakalinya pang plano ng teroristang grupo dahil sa pagkakadakip sa nakatatandang Maute.
Pinutol aniya nito ang cycle of lawlessness sa ilang bahagi ng Mindanao na maituturing na isang welcome development sa gitna ng nagpapatuloy na bakbakan sa Marawi City.
Sa kabila nito, patuloy namang nananawagan ang Palasyo sa publiko na manatiling mahinahon, mapagmatyag at mapagbantay sa gitna ng kasalukuyang sitwasyon partikular na sa Marawi.
AFP tuloy ang opensiba vs Maute
Hindi tatantanan ng AFP o Armed Forces of the Philippines ang opensiba nito laban sa Maute Group hangga’t hindi nababawi ang Marawi City.
Ito ang ginawang pagtitiyak ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla sa isinagawang Mindanao Hour noong Miyerkules sa Palasyo ng Malakanyang.
Ayon kay Padilla, ramdam naman nila ang mga sentimiyento ng mga residente sa Marawi dahil sa patuloy na airstrike ngunit ito ang nakikita nilang paraan para mapigilan ang paghahasik ng lagim ng grupo.
Batay sa tala ng AFP, nasa karagdagang siyamnapu’t dalawang (92) sibilyan na mula sa kabuuang isanlibo limandaan at apatnapu’t lima (1,545) ang nasagip ng mga otoridad sa Marawi.
By Jaymark Dagala | With Report from Aileen Taliping