Isusunod na ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ang pagbasura sa nominasyon ni Secretary Rafael “Ka Paeng” Mariano sa DAR o Department of Agrarian Reform.
Ito ang ipinahiwatig ng Makabayan Bloc sa Kamara kasunod ng sinapit ni dating Secretary Judy Taguiwalo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kasunod nito, kumpiyansa sina Bayan Muna Representative Carlos Zarate at Act Representative Antonio Tinio na may basbas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkaka-reject ng CA kay Taguiwalo.
Kapwa inihayag ng dalawang mambabatas na kaya namang impluwensyahan ng Pangulo ang mga miyembro ng komite dahil sa pawang mga kaalyado naman niya ang mga ito.
Ipinunto pa ni Zarate na malaki ang kinalaman ng lumalamig na relasyon sa pagitan ng Pangulo at ng komunistang grupo sa nangyaring pagbasura sa nominasyon ni Taguiwalo.
BAYAN sa pagkaka-reject ni Taguiwalo: Bulok ang sistema ng bansa
Mariing kinundena ng BAYAN o Bagong Alyansang Makabayan ang ginawang pagbasura ng Commission on Appointments (CA) sa appointment ni Secretary Judy Taguiwalo bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay BAYAN Secretary General Renato Reyes, muling nanaig ang mga kapitalista laban sa mga taong tunay na may puso sa serbisyo publiko.
Ani Reyes, pinatutunayan lamang nito na bulok ang sistema ng bansa at ang mga namamahala dito.
Binatikos din ni Reyes si Pangulong Rodrigo Duterte dahil maaari naman aniya nitong pakiusapan ang kanyang mga kaalyado sa Commission on Appointments pero hindi nito ginawa.
Kasabay nito, pinasalamatan ni Reyes si Taguiwalo para sa kanyang mga serbisyo at tiniyak na hindi rito matatapos ang laban para sa pagbabago.