Kumambyo na ang customs broker na si Mark Taguba makaraang kaladkarin nito ang pangalan nila Davao City Vice Mayor Paolo ‘Pulong’ Duterte at Atty. Mans Carpio.
Kaugnay ito sa nakalusot na mahigit anim na bilyong pisong halaga ng shabu sa Bureau of Customs (BOC) gayundin sa umano’y pagtanggap ng tara o payola sa Aduana.
Magugunitang maka-ilang beses binanggit ni Taguba ang mga pangalang Pulong at Atty. Carpio sa pagdinig ng senate blue ribbon committee na konektado umano sa Davao Group ayon sa mga taong kaniyang nakakausap.
Anumang pagkaka-ugnay aniya ng dalawa sa nasabing anomalya ay pawang mga tsismis lamang dahil inamin na niya sa senado na wala siyang patunay na sangkot nga ang mga ito.