Iginiit ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Archie Francisco Gamboa na may legal na basehan ang pagkakaaresto ng mga residente ng Sitio San Roque sa Quezon City.
Paliwanag ni Gamboa, ang ginawang pagtitipon pa lamang ng mga residente ay isa nang malinaw na paglabag sa umiiral na quarantine law.
Ani Gamboa, nauunawaan niya na kailangan na ng mga tao ng pagkain at iba pang assistance na mula sa kanilang lokal na pamahalaan.
Ngunit panawagan ni Gamboa sa mga residente, kaunting pasyensa at pag-iintay dahil tiyak naman aniyang matatanggap nila ang kinakailangang tulong.
Magugunitang nauwi sa kaguluhan ang pagtitipon-tipon ng mga residente sa Sitio San Roque na umaapela para sa kanilang food assistance sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine.