Malabo pang magkaayos sa ngayon ang alyansang UniTeam nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.
Ito ang iginiit ni Political Analyst, dr. Froilan Calilung, sa kabila ng tila pagharang ni Pangulong Marcos sa umuugong na impeachment complaint laban kay VP Sara.
Ayon kay Professor Calilung, masyado nang malaki at malawak ang hidwaan ng dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa para matapalan at maghilom sa maiksing panahon.
Posible naman aniyang pinigilan ng presidente ang anumang tangkang pagpapatalsik sa pangalawang pangulo, dahil maaaring mayroon itong impormasyon laban sa kanya.
Ipinunto pa ng UST Professor na kung matutuloy ang impeachment, magmumukhang desisyon lamang ito ng kamara, gayong sa katunayan naman ay kontrolado pa rin ito ng pangulo at kanyang mga tagasunod sa mababang kapulungan. – Sa panulat ni Laica Cuevas