Ikinatuwa ni pambansang kamao at Fighting Senator Manny Pacquiao ang pagkapanalo nito sa isinampang kaso laban sa kaniya sa Court of Tax Appeals.
Ito’y kaugnay sa mga umano’y hindi nabayarang buwis ni Pacquiao mula noong taong 2008 hanggang 2009 na nagkakahalaga ng 3.3 bilyong piso maliban pa sa kasong sibil na isinampa rin laban sa kaniya.
Magugunitang batay sa inilabas na desisyon ng Court of Tax Appeals noong Hulyo 27, sinabi ng 1st division nito na dapat itigil na ang paniningil kay Pacquiao ng BIR o Bureau of Internal Revenue ng mga underpaid taxes sa ilalim ng final decision on disputed assessment.
Pinakakansela rin ng korte ang warrants of distraint para sa naunang tax liability umano ni Pacquiao na ayon sa BIR ay nagkakahalaga ng 2.2 bilyong piso bukod pa sa ipinataw na mga penalties at surcharges.
Sa panig ni Pacquiao, iginiit nito na hindi siya kailanman tumakbo sa pagbabayad ng buwis at sumusunod naman siya sa itinatadhana ng batas.
“Magiging double taxation kasi kung magbabayad ka ng tax sa America and then dito sa Pilipinas. Atleast nakita naman yung mga papers namin at yung binabasehan lang ni Kim Henares noon yung mga balita, dyaryo, yung mga balitang ganyan, ganyan tapos wala silang mga hawak na dokumento na magpapatunay atsaka ang ginamit nilang harassment sa akin, sa pamilya ko…. pero okay naman at God is good at lumabas ang katotohanan.”
(From Usapang Senado interview)