Mariiing itinanggi ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Oscar Albayalde na siya ang tinutukoy ni dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
Hinggil ito sa ulat na si Albayalde umano ang itinuturo ni Magalong sa executive session na protektor ng mga ‘ninja cops’.
Nadawit ang pangalan ni Albayalde sa isyu ng mga ‘ninja cops’ nang sabihin ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon sa panayam sa mga media na isang ‘4 star general’ umano ang sangkot sa ‘agaw bato scheme’.
Ayon kay Albayalde, kuwestyunable ang ‘timing’ ng paglabas ng nasabing impormasyon dahil matagal nang naibasura ang mga kasong isinampa laban sa kanila dahil na rin sa kawalan ng matibay na ebidensya.
Magugunitang naungkat ang mga ulat ng pagkakasibak kay Albayalde taong 2014 nang siya’y provincial director pa ng Pampanga PNP dahil sa mga di umano’y iregularidad sa iligal drug operations na ikinasa ng mga tauhan nito noon.
Giit ni Albayalde, inaasahan na nya na lalabas ang samut-saring balitang sisira sa kanyang pangalan lalo na’t nalalapit na ang kanyang pagreretiro sa buwan ng Nobyembre ng kasalukuyang taon.