Naniniwala si House Assistant Majority Leader at Lanao Del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na makasisira sa asylum application ni dating Presidential Spokesman Harry Roque ang pagkakadawit nito sa polvoron video o ang gawa-gawang video para palabasin na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Taliwas ito sa paniniwala ni Atty. Roque na ang pagdawit sakaniya sa naturang video ay makatutulong upang patunayang may political persecution sakaniya.
Matatandaang sa pagdinig ng House Tri-Committee, ibinulgar ng vlogger na si Pebbles Cunanan na tinalakay ng dating Presidential Spokesman ang plano nito na ilabas ang video sa isang pribadong hapunan sa Hong Kong.
Isiniwalat din ni Cunanan ang pahayag ni Atty. Roque na nagsabing magaling aniya siyang magpabagsak ng gobyerno.
Gayunman, pabor si Rep. Adiong sa pagbibigay ng due process sa dating tagapagsalita ng palasyo upang maipaliwanag nito sa publiko ang katotohanan at pabulaanan ang mga salaysay ni Cunanan.—sa panulat ni John Riz Calata ulat mula kay Geli Mendez (Patrol 30)