Dapat ipagpatuloy ng mga Pilipino ang pagmamahal, pananampalataya at bayanihan lalo na sa mga kapatid na muslim.
Ito ang naging mensahe ni Vice President Leni Robredo kaalinsabay ng pagdiriwang Eid’l Adha ng mga muslim simula ngayong araw ng Linggo, Agosto 11.
Sa kaniyang mensahe, hinihakayat ni Robredo ang mga Pilipino na alalahanin ang mga sakripisyo at paghihirap ng mga muslim na nag-alay ng kanilang buhay para sa kalayaan ng bansa mula sa mga mananakop na dayuhan.
Dapat din aniyang gamitin ang pagdiriwang na ito para magbukas ng puso sa mga nangangailangan at patuloy na ipanalangin ang mga muslim sa kanilang pagharap sa mga hamong darating sa kani-kanilang buhay.
Sa ganitong paraan ani Robredo, magkakaisa ang mga Pilipino anuman ang kulay ng kanilang balat o maging ng pananampalatayang kanilang kinaaniban.