Nanawagan ng pagkakaisa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga world leaders upang matigil na ang paggamit o pagkakanlong ng mga mapaminsalang nuclear weapons.
Sa naging talumpati ni pangulong marcos sa 77th session ng United Nations General Assembly sa New York, sinabi nito na nananatili kasing banta sa mundo ang nuclear weapons sa kabila ng pagsisikap na magpatupad ng mga patakaran laban dito.
Malaki ani Pangulong Marcos Jr. ang kanyang paniniwala na kailangang muling pagtibayin ang prinsipyo ng mga nagtatag ng United Nations (UN).
Kasama aniya dito ang pagsusulong na maisantabi na anumang pagkakaiba, pagtatapos ng digmaan, pagtataguyod ng katarungan, pagbibigay respeto sa karapatang pantao, seguridad at pagpapanatili ng world peace.
Binigyang-diin pa ng pangulo na dapat ding matuldukan ang pagkalat ng mga armas, tulad ng small arms, light weapons, at mga Improvised Explosive Device (IED). – mula sa ulat ni Jopel Pelenio (Patrol 17)