Wala nang itinakdang limitasyon ang Balikatan Exercises sa pagitan ng mga tropang militar ng Pilipinas at Amerika para sa susunod na taon.
Ito’y ayon mismo kay AFP o Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Eduardo Año matapos ihayag nito na dinagdagan pa ang mga aktibidad sa nasabing pagsasanay.
Mula aniya sa dalawandaan at limampu’t walong (258) aktibidad ngayong taon, sinabi ni Año na magiging dalawandaan at animnapu’t isa (261) na ito sa taong 2018 taliwas sa naunang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na bawasan ang mga ito.
Bagama’t kinumpirma ni Año na ibabalik na din ang Territorial Defense Exercise na tinanggal noong isang taon, nilinaw ng AFP Chief na hindi ito gagawin sa bahagi ng West Philippine Sea.
Antas ng krimen sa buong bansa bumaba ayon sa PNP
Ipinagmalaki ng pambansang pulisya na bumaba ang bilang ng mga naitatalang krimen sa buong bansa mahigit isang taon mula nang maupo sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay sa datos ng PNP o Philippine National Police, pitong porsyento (7%) o katumbas ng dalawampu’t walong libong (28,000) krimen ang naitala ng pulisya mula Enero hanggang Agosto ng taong ito.
Di hamak na mas mababa ito ng tatlongdaan at animnapu’t apat (364) na krimen kumpara sa tatlongdaan at siyamnapu’t tatlong libong (393,000) krimen na naitala sa kaparehong panahon noong isang taon.
Pinakamalaki ang nabawas sa mga tinatawag na index crime tulad ng pagnanakaw, pagpatay, panggagahasa at pananakit ng mahigit dalawampung libo (20,000) habang pitong libo (7,000) naman ang nabawas sa non-index crime.
Ang mga non-index crime ay ang mga krimen tulad ng paglabag sa iligal na droga, violence agains women and children, child abuse at iba pa.