Kapwa umapela ang Malakaniyang at ang AFP o Armed Forces of the Philippines sa publiko na magkaisa at huwag hayaang tuluyang makapasok at manaig ang masasamang puwersa.
Kasunod ito ng panawagan ng ISIS na magkaroon ng reinforcement sa kanilang mga miyembro na gumagawa ng mga pag-atake sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, mahalaga ang pagkakaisa dahil sa hindi simpleng bagay ang pakikipaglaban sa mga teroristang grupo.
Sa panig naman ng AFP, sinabi ni Brig/Gen. Restituto Padilla na batid nilang nakatatakot ang panawagan na ito ng ISIS at gagawin nila ang lahat upang mapigilan ito.
Kapwa inihayag pa ng dalawa na dapat kundenahin ng publiko ang mga ginagawa ng Maute Terror Group sa Marawi City at huwag hayaang makatakas at mamayagpag ang mga ito sa ibang lugar.
By: Jaymark Dagala / Aileen Taliping