Patuloy na inaalam ng National Capital Region Police Office ang pagkakakilanlan ng dalawang nasawi sa mga pagsabog malapit sa Golden Mosque, Quiapo, Maynila, kahapon.
Nasawi ang dalawang biktima sa unang pagsabog na naganap sa kanto ng Globo de Oro at Palanca streets, mag-a-ala sais ng gabi kahapon.
Kinilala naman ang ilan sa mga nasugatan na sina Jaber Gulam, residente ng Lanao del Sur at Hajhi Ali, residente ng Gunao street, Quiapo.
Samantala, nasugatan naman sa ikalawang pagsabog sina Chief Insp. Elisa Reyes Arturo, chief chemist ng Manila Police District Crime Laboratory at PO2 Aldrin Resos ng Explosives and Ordinance Division.
Indikasyon ng terorismo, pinabulaanan
Walang indikasyon na isang uri ng terorismo ang magkasunod na pagsabog sa Quiapo, Maynila, kahapon na ikinasawi ng dalawa katao at ikinasugat ng anim na iba pa.
Ayon kay NCRPO chief, Dir. Oscar Albayalde, isang partikular na tao ang target sa pagpapasabog na naganap sa kanto ng Globo de Oro at Palanca streets, dakong ala singko singkwenta ng hapon kahapon.
Maituturing anyang suspek ang lalaking nagdala ng package sakay ng motorsiklo na kanya namang ini-abot sa isang caretaker na kapwa nasawi naman sa pagsabog.
Dagdag ni Albayalde, maaaring may kaugnayan ang ikalawang pagsabog sa kanto ng Norzagaray at Elizondo streets pasado alas otso ng gabi sa naunang pagsabog.
Nagsasagawa na ng post blast investigation ang mga awtoridad habang naglagay na rin ng checkpoints ang mga pulis sa paligid ng Quiapo.
By Drew Nacino (Photo Courtesy: Philippine Red Cross)