Pagtutulungan ng mga awtoridad at ng taumbayan ang susi upang mapagtagumpayan ang kampaniya laban sa terrorismo.
Ito ang binigyang diin ni Joint Task Force Central Commander M/Gen. Juvymax Uy kasunod ng matagumpay na pagkakapatay ng mga Sundalo sa 3 miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF sa Maguindanao.
Nangyari ang engkuwentro habang nagsasagawa ng focused operation ang Militar sa Brgy. Linantangan, bayan ng Shariff Saydona Mustapafa kung saan, hindi bababa sa 10 bandido ang nakasagpa ng mga Sundalo.
Kinilala ni LtCol. Benjamin Cadiente, Commanding Officer ng 33rd Infantry Battalion ang mga nasawing BIFF na sina Dhen Dhen Haron alyas Kirim, Ali Amil Hasim at Buhari Bualan.
Sila ay pawang mga miyembro ng BIFF Karialan Faction sa ilalim ng pamumuno ni Muslimin Amilil alyas “Mus” na siyang responsable sa mga pag-atake, pagpatay at panununog sa Maguindanao at mga karatig lugar nito.