Nakilala na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang anim na katawan na inilibing sa isang remote village sa Bayan sa Libon, Albay.
Kinilala ni NBI Bicol chief Paterno Morales ang anim na sina Gilbert at Glen Quinzon mula sa Daraga, Albay; Isabel Razon Meseja mula sa San Pedro, Laguna; Jonald Señadan ng Barangay Buga sa Libon, Albay; at sina Marlon at Newin Ansay mula sa Minalabac, Camarines Sur.
Nahukay ang katawan ng anim noong Hunyo 29 matapos ituro ng isang witness ang apat na magkakahiwalay na libingin sa Barangay Molosbolos.
Isa sa mga katawan sa nakilala sa pamamagitan ng dental parameter habang sa tattoo at kagamitan nakilala ang iba pa.
Dinukot ang mga ito at pinatay noong March 2022 dahil asset umano ng gobyerno.
Naniniwala naman si Morales na pinatay ang mga biktima ng Concepcion Criminal Group sa pangunguna ni Gilbert Concepcion na sangkot sa nakawan, pangingikil, pagbebenta ng armas at gun-for-hire.
Bago pugutan ng ulo, ipinarada pa umano ang mga biktima sa bayan at pinarusahan sa harap ng mga opisyal.
Sa ngayon, kinuha na ng mga pamilya ang katawan ng mga biktima habang ang labi ni Meseja ay pansamantalang inilibing sa Pawa Cemetery sa Legazpi.