Tinutunton na ng National Bureau of Investigation ang assassin na sinasabing kinontrata ni Vice President Sara Duterte para patayin si Pangulong Ferdinand Marcos jr. at iba pang personalidad.
Ayon kay Justice Undersecretary Jesse Andres, inatasan na nila ang law enforcement agencies na alamin ang pagkakakilanlan at kinaroonan ng indibidwal o mga taong posibleng nagpa-plano ng masama laban sa pangulo.
Inaasahan naman ni NBI Director Jaime Santiago na mismong si VP Sara ang magpapaliwanag kung sino ang nasabing indibidwal, sa oras na humarap ito sa imbestigasyon sa bisa ng ipadadalang subpoena.
Itinuturing din umanong mabigat ang banta ni VP Sara dahil siya ay nasa mataas na posisyon sa gobyerno at may malawak na impluwensya.
Iginiit pa ni Usec. Andres na anumang banta sa pangulo ay banta sa lahat ng pilipino, kasabay ng paalala na si VP Sara ang makikinabang at aakyat bilang pangulo sakaling mapatay si Pangulong Marcos. – Sa panulat ni Laica Cuevas