Blangko pa ang militar sa pagkakakilanlan ng suicide bomber na nasawi sa bigong terrorist attack sa Barangay Kajatian, Indanan, Sulu.
Ayon kay Western Mindanao Command (Westmincom) Chief, Lt. General Cirilito Sobejana, hindi pa rin nila makumpirma kung babae nga tulad ng unang napaulat ang suicide bomber.
Nakasuot umano ng abaya attire, mahaba ang buhok at mukhang dayuhan ang suicide bomber base sa narecover nilang ulo subalit ang kamay nito ay parang kamay naman ng lalake.
Ang suspek ay nagtangkang pumasok sa KM3 Setachment ng 35th Infantry Batallion subalit sinigawan ng isang sundalo na huwag pumasok dahil sa kahina-hinala nitong kilos.
Nang magsimulang pumosisyon ang mga sundalo para dumipensa ay pinasabog ng suspek ang kanyang sarili.
Sinabi ni Sobejana na maliban sa suspek, walang ibang nasawi o nasaktan sa insidente.