Iginagalang ng Malakanyang ang desisyon ng senado na manatiling nakakulong sa kanilang gusali si Dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon.
Ito’y kahit pa nabigyan na ng panibagong puwesto si Faeldon sa pamahalaan partikular na sa OCD o Office of Civil Defense bilang Deputy Administrator III.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi aniya magiging balakid kay Faeldon ang kanyang pagkakakulong para gampanan ang bago nitong tungkulin.
Malinaw aniya na nananatili ang kumpiyansa at tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Faeldon dahil hindi ito naniniwala sa paratang na sangkot ang dating customs chief sa pagpupuslit ng shabu sa aduana.
Magugunitang inihayag ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Panfilo Lacson na hindi nila palalayain si Faeldon sa piitan nito sa senado kahit pa may bago itong posisyon hangga’t hindi ito nagsasabi ng buong katotohanan sa pagdinig nito.