Itinutulak ng ilang mambabatas ang isang panukalang batas na layong pagkalooban ng fixed salaries at iba pang mga benepisyo ang mga barangay officials tulad ng tinatamasa ng mga regular government employees.
Base sa House Bill 502 nina ACT-CIS Party-list Representatives Edvic Yap, Jocelyn Tulfo at Jeffrey Soriano; Benguet Rep. Eric Yap, Quezon City Rep. Ralph Tulfo, at Davao City Rep. Paolo Duterte, isinusulong nito ang pagbibigay ng ‘fixed’ na sahod para sa mga opisyal ng barangay at idineklara ang mga ito bilang mga regular na empleyado ng gobyerno upang makatanggap ng maayos na kompensasyon at benepisyo.
Ayon sa mga kongresista, ang barangay ay nagsisilbi bilang ‘office of the first resort of the people’ at marami silang isyu na dapat tugunan maliban sa regular nilang tungkulin at responsibilidad.
Sa explanatory note ng bill, binanggit na panahon na upang ibigay sa mga barangay officials ang nararapat para sa kanila at kilalanin ang mahalagang papel na ginagampanan nila sa pagseserbisyo sa mga komunidad.
Bilang basic political unit, ang barangay ay nagsisilbi rin bilang pangunahing ‘planning and implementing unit’ ng mga proyekto, programa at polisiya ng pamahalaan.
Katunayan, ayon sa mga mambabatas, karamihan sa mga hakbang na ginagawa ng national government ay nangangailangan ng suporta at intervention ng barangay dahil sila ang mas malapit sa tao na ‘form of government’.
Maliban sa fixed salaries, itinutulak din sa ilalim ng bill ang pagbibigay ng PhilHealth, Pag-Ibig at GSIS benefits sa mga barangay officials.
Sa kasalukuyan, tanging ang mga barangay chairperson at mga kagawad lamang ang nakakatanggap ng kompensasyon sa porma ng honorarium at hindi ‘fixed salary’ na nakapaloob sa compensation system.