Maituturing na sampal sa kampaniya kontra iligal na droga at katiwalian ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkakalusot ng P6.4-B halaga ng shabu sa pantalan ng bansa.
Ito ang binigyang diin sa DWIZ ni House Committee on Public Order and Safety Chairman at Antipolo Representative Romeo Acop kasunod ng isinagawang pagdinig ng kaniyang komite kahapon.
Iginiit ni Acop ang pagbibitiw ng mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) dahil sa napakalaking sablay ng kanilang ahensya na nakapagpapasama sa imahe ni Pangulong Duterte.
Ang point na inilalabas ko doon is nawawala na ‘yung mga illegal drug factories dito sa atin, wala na ngang lumalabas sainyong mga reports eh, wala rin reports regarding smuggling through our white coast line. So, iisa lang ang source ‘yung Customs.
This is the number one advocacy of our President, second, may allegations of corruption na, this is the second advocacy of the President.
TInananong din ako kung ano ang gagawin ko kung ako ang nandoon, [sabi ko] submit my resignation.
Malinaw din aniyang nilabag ng Customs ang itinatakda ng Dangerous Drugs Act kung saan, pinangunahan ng Customs ang operasyon kontra sa mga iligal na kontrabando gayung dapat ay PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency na ang dapat humawak niyon.
Nakita po natin doon sa Customs, then, they did not follow the Dangerous Drugs [Act]. Dapat paglabas nung kanilang jurisdiction tsaka illegal subject matter, they should have coordinated with PDEA.
Mga mambabatas dismayado
Dismayado ang maraming mambabatas sa Kamara hinggil sa pagkakalusot ng bilyong pisong halaga ng shabu sa green lane ng BOC o Bureau of Customs.
Ayon kay House Deputy Speaker Raneo Abu, napakabigat na eskandalo ang ginawa ng BOC dahil sa pagbabalewala nito sa trabaho sa kabila ng pagububuwis ng buhay ng maraming tauhan ng gobyerno para sugpuin ang iligal na droga sa bansa.
Mahirap aniyang tanggapin na kaisa ng pamahalaan ang Customs sa giyera kontra droga lalo pa’t tadtad din ito ng katiwalian.
Sa panig naman ni Quezon City Representative Winston Castelo, dapat maparusahan ang mga nasa likod ng pagpapalusot ng droga sa Aduana.