Iginiit ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros na maaari pang maitama ni Pangulong Ferdinand Marcos jr., ang pagkakamali ng nakaraang administrasyon kung muling lalahok ang Pilipinas sa International Criminal Court.
Ayon pa kay Sen. Hontiveros, ang pagkalas ng nakalipas na administrasyon sa ICC ay bunga lamang ng pansariling interes ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Para sa mambabatas, layunin lamang ng dating pangulo na isalba ang kanyang sarili, ngunit ang hakbang na ito ay nagpahamak lamang sa bansa at inalis nito sa mga Pilipino ang mahalagang mekanismo ng hustisya.
Binigyang diin pa ni Sen. Hontiveros na malinaw naman na inako ni dating pangulong Duterte na siya ang responsable sa madugong ‘war on drugs, campaign,’ kaya’t dapat managot ito sa mga nagawa nitong krimen.
Matatandaang sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Oktubre na hindi babalik ang pilipinas sa hurisdiksyon ng ICC.