Pinuna ng ilang kongresista ang Department of Education (DepEd) hinggil sa isang learning module na lumabas na may malaswang salita sa Central Luzon.
Ipinakita ng educator na si Antonio Calipjo Go sa house hearing na may maseselang salita sa isang module ng estudyante kung saan ito’y may inilabag sa kanilang guidelines.
Ayon kay Go, kailangan panagutin ang nasa likod ng module dahil hindi ito katanggap tanggap na ibigay bilang materyal lalo na sa mga estudyante.
Ipinabatid naman ng DepEd na bubusisiin ang lahat ng anggulo sa isyu ng paggawa ng naturang module.
Bukod dito, naglabas na rin ang DepEd ng errata o pagtatama kaugnay sa isyung ito.
Magugunitang hindi ito ang unang beses na binatikos ang DepEd ukol sa mga bastos na salita sa module ng mga estudyante.