Tila kapalaran na umano ang nagdikta ayon sa malakaniyang para magbigyan ng libreng COVID-19 RT-PCR o swab test ang milyung-milyong Pilipino.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nagpapasalamat sila dahil sa pagkakapasa ng Universal Health Care law natupad ang layunin nitong magbigay ng libreng swab tests.
Itinuturing na gold standard ang RT-PCR o swab test upang agad na matukoy ang mga kaso ng COVID-19 at mapigilan pa ang pagkalat nito sa bansa.
Dahil dito, sinabi ni Roque na ang mahalaga sa ngayon ay ang pagtutulungan ng lahat upang mas maraming Pilipino pa ang makikinabang sa libreng serbisyong hatid ng ipinasang batas.
Magugunitang isa si Roque sa mga nagsulong sa Kongreso upang maipasa ang Universal Health Care law na layong mabigyan ng libreng serbisyo medikal ang mayorya ng mga Pilipino.