Pasok na ang National Bureau of Investigation (NBI) sa imbestigasyon sa pagkasawi ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.
Ayon kay Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre, agad nyang pinakilos ang NBI para alamin ang tunay na pangyayari sa nasabing insidente.
Aniya, maraming kahina-hinala sa naging operasyon ng mga pulis na humantong pa sa pagkasawi ng alkalde.
PNP
Ipinag-utos na ni PNP Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang malinis at patas na imbestigasyon sa pagkamatay ni Mayor Rolando Espinosa.
Ayon kay General Bato, inatasan niya ang CIDG na naka-base sa Camp Crame na tukuyin ang tunay na pangyayari sa insidente.
Bukod diyan, magsasagawa din anya ng kanya-kanyang imbestigasyon ang CIDG Region 8 at ang Internal Affairs Service Region 8.
Isa sa magiging subject ng imbestigasyon si Chief Inspector Leo Laraga ng CIDG Northern Leyte na nanguna sa paghahain ng search warrant kay Mayor Espinosa.
Tiniyak ni Dela Rosa na walang dapat ikapangamba ang publiko sa gagawin nilang imbestigasyon dahil maging siya anya, gustong malaman ang buong katotohanan.
Umaaasa naman si General Bato na sa pag-uwi sa Pilipinas ng anak ni Mayor Espinosa na si Kerwin Espinosa na naaresto sa Abu Dhabi ay hindi ito matatakot na ikanta ang kanyang mga nalalaman sa operasyon ng droga sa Pilipinas.
By Rianne Briones