Kumbinsido ang PAO o Public Attorney’s Office na mayroong foul play sa pagkakapatay ng mga pulis ng Caloocan City sa isa pang binatilyo na si Carl Angelo Arnaiz.
Ayon kay Atty. Persida Acosta, hepe ng PAO, napakaraming katanungan ang dapat na sagutin ng mga sangkot na pulis ng Caloocan.
Tinukoy ni Acosta ang marka ng posas at marka ng bugbog kay Arnaiz gayung ang sinasabi ng mga pulis ay nanlaban ito matapos mang-holdap ng taxi driver.
Nangyari ang insidente noong August 18, dalawang araw matapos ang insidente ng pagpatay kay Kian Delos Santos, isa ring binatilyo na sinasabing nanlaban rin sa mga pulis-Caloocan.
Sampung araw ring hinanap ng kanyang pamilya si Arnaiz at natagpuan lamang ang labi nito sa isang morgue noong August 28.
“Bakit mangho-holdap ito eh kahit papano may kinikita siya sa tindahan niya, andaming medalyang tinangggap, natanggap sa UP, maayos na pamilya, dalawa lang silang magkapatid, so andaming tanong na bakit. Nang tignan ng ating forensic expert nakitang may bakas ng pambubugbog sa kanya bago siya pinatay, ang punto doon bakit apat na tama sa may dibdib at bakit ang ikalimang tama ay sa braso?” Pahayag ni Acosta
‘Pulis-Caloocan’
Samantala, nailipat na sa Camp Bagong Diwa ang mga pulis-Caloocan na akusado sa pagpatay sa 19 anyos na si Carl Angelo Arnaiz.
Agad ini-relieve sina PO1 Jeffrey Perez at PO1 Ricky Arquilita matapos lumutang ang insidente ng pagkakapatay nila kay Arnaiz.
Iginiit nina Perez at Arquilita na pinaputukan sila ni Arnaiz kayat napilitan silang gantihan ito.
By Len Aguirre / Ratsada Balita Interview