Nanindigan ang pambansang pulisya na lehitimo ang ginawang operasyon ng militar at pulisya sa Negros Oriental na ikinasawi ng labing apat na magsasaka.
Ayon kay PNP Spokesman Col. Bernard Banac, tumupad lamang sa kanilang tungkulin ang mga awtoridad at iginiit nitong walang nalabag na batas ang kanilang mga tauhan sa ikinasang operasyon.
Sumusunod lamang aniya sila sa kung ano ang i-utos ng korte tulad ng pagsisilbi ng search warrant laban sa sinumang ipinagharap ng reklamo sa korte.
“Yung pag-implement ng search warrant ay bahagi lamang ng duty or function ng Philippine National Police (PNP). At dahil sa pag-implement natin ng search warrants may mga casualties, narekober na mga baril at ito ay isinagawa ng PNP ayon sa madanto ng court natin.” Pahayag ni Banac.
Kasunod nito, sinabi ni Banac na handa ang pulisya na sagutin ang lahat ng mga reklamo at alegasyong ibinabato sa kanila ng mga militanteng grupo sa tamang oras, panahon at lugar.
Una nang kinilala ng Kabataan Party list ang mga nasawi na sina Ismael Avelino, Edgardo Avelino, Melchor Pañares, Rogelio Ricomuno, Mario Pañares, Gonzalo Rosales, Genes Palmarea at Ricky Ricomuno.
Habang aabot naman sa labing dalawa ang naaresto ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na operasyon.
“Kung may katanungan man at may mga alegasyon, well, sasagutin naman ito ng PNP sa tamang panahon at venue. Sa ngayon, ginampanan ng PNP ang tungkulin nito bilang tagapagpatupad ng batas at magpapatupad ng peace and order sa ating bansa.” Ani Banac.