Kinuwestiyon ng COA o Commission on Audit ang pagkapili ng isang Chinese firm para gawin ang konstruksiyon ng Kaliwa Dam project.
Ayon sa COA, tila intentional o sinasadya ng dalawa sa tatlong Chinese contractors ang hindi kumumpleto sa requirements maliban lamang sa nanalong contractor na CEEC o China Energy Engineering Corporation Limited.
Sa tingin ng COA ay posibleng isinama lamang sa bidding ang consortium of Guangdong Foreign Construction at Power Construction Corporation of China Limited para tumugon sa atleast tatlong bidder na requirement batay sa procurement law.
Kinuwestiyon din ng COA ang ilang preliminary project activities sa pagbuo ng naturang dam gayong malinaw sa kasunduan ng MWSS at CEEC na sisimulan lamang ang anomang pagkilos sa lugar kapag nakuha na ang notice to proceed.
Tinukoy ng COA na wala pang hawak na notice to proceed ang kumpanya dahil sa kabiguan nito na magsumite ng ilang dokumento.