Wala nang magagawa ang mga taga-Kamara de Representantes kung hindi tanggapin ang reyalidad na sa lalong madaling panahon ay magkakaroon na ng batas kontra political dynasty sa bansa.
Ito ang inihayag ni Senate President Koko Pimentel makaraang tiyakin na makakalusot na sa Senado ang panukalang batas na magbabawal sa political dynasty.
Bukod pa dito, sinabi ni Pimentel na maglalagay din sila ng self-executing anti-political dynasty provision sa isinusulong na Charter Change.
Ibig sabihin talagang maipapatupad na ang matagal ng nakasaad na probisyon sa ating Saligang Batas kontra political dynasty.
Matatandaang wala lang enabling law kaya’t hindi maipatupad ang anti-political dynasty provision na nasa konstitusyon.
Una rito 13 senador na ang lumagda sa joint committee report ukol sa anti-dynasty bill pero maaari umanong mahirapan itong tuluyang makalusot lalo na sa Kamara de Representantes dahil sa karamihan ng mga kongresista ay mula sa makapangyarihang political clans.
Samantala, nagpaliwanag ang ilang senador sa paglagda nila sa committee report ng anti-political dynasty bill.
Ayon kay Sotto, dissenting o pagtutol ang ginawa niyang paglagda sa committee report.
Hindi aniya makatwiran na pagbawalang tumao sa public office ang mga lehitimong miyembro ng pamilya ng mga pulitiko gayung puwede itong gawin ng mga karelasyon o kalaguyo ng mga pulitiko.
Sa panig ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, nais niyang amyendahan ang ilang probisyon sa isinusulong na anti-political dynasty bill sa Senado upang maging katanggap-tanggap pagdating sa Kamara.
Sinabi ni Recto na nais niyang itulad ito sa ginawa nila sa anti-political dynasty provision para sa Sangguniang Kabataan elections na naging katanggap-tanggap sa lahat.
By Len Aguirre / Ulat ni Cely Bueno