Pinaiimbestigahan ng isang mambabatas ang pagkakaroon ng outbreak ng African Swine Fever sa ilang barangay sa Rizal at Bulacan.
Sa inihaing House Resolution 336 ni Magsasaka Partylist Representative Argel Cabatbat, kanyang iginiit na resposibilidad ng pamahalaan ang gawin ang mga kinakailangang aksyon para maprotektahan ang kabuhayan ng mga magbababoy at ng industriya.
Kaugnay nito, hinimok ni Cabatbat ang House Committee on Agriculture and Food na siyasatin ang pagkalat ng ASF sa bansa para makita ang posibleng masamang epekto nito sa industriya ng pagbababoy.
Dagdag pa ng mambabatas, bagama’t walang masamang epekto sa kalusugan ng mga tao ang ASF, maaari pa ring maging carrier ng virus ang mga ito.
Magugunitang, idineklara ng Department of Agriculture ang African Swine Fever Outbreak sa Guiguinto Bulacan, Rodriguez, San Mateo at Antipolo sa Rizal noong Lunes matapos makumpirmang positibo sa nabanggit na sakit ang 14 sa 20 blood samples ng mga baboy.