Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang dahilan ng pagdagsa o pagdami ng pila sa DFA Aseana sa Parañaque City ay bunsod ng pagkakaroon ng backlog o ang pagkakatigil ng operasyon sa serbisyo ng mga empleyado dahil sa pandemya.
Nabatid na 300 aplikante lamang ang pinapayagang pumasok sa opisina para kumuha ng passport pero umabot na sa 800 indibidwal ang pumilang aplikante sa tanggapan ng DFA.
Ang iba sa mga pumila ay galing pang probinsya para ayusin ang kanilang mga dokumento pero inabutan parin ng cut-off dahil hanggang ala-una lang ng hapon ang operasyon ng ahensya.
Samantala, ngayong araw, bubuksan ng DFA ang walk-in service ng mga aplikante ng Apostille services matapos suspindehin kahapon dahil naabot na umano nito ang bilang ng mga naserbisyuhan.
Dahil dito, nanawagan ang mga pumila na magkaroon ng tamang sistema ang DFA at magkaroon ng stab number sa pagkuha ng passport dahil karamihan sa mga aplikante ay sumisingit sa pila. — sa panulat ni Angelica Doctolero