Iminungkahi ng isang senador na magkaroon na ng cashless payment system ang Metro Rail Transit-3 (MRT3).
Ito, ayon kay Senador Francis Tolentino, ay makaraang magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang ilang mga ticket sellers sa mga istasyon ng tren.
Ani Tolentino, kung iginigiit ng Department of Transportation (DOTr) ang pagkakaroon ng cashless transactions para sa mga jeppneys, point-to-point buses at mga UV Express, bakit hindi aniya magtatag din ng kaparehong mungkahi para MRT.
Samantala, ayon sa MRT3, nasa 198 na ng kanilang mga empleyado ang nagpositibo sa COVID-19 (as of July 6).
Sa naturang bilang, 177 sa mga ito ay mga depot personnel; tatlong driver ng tren; dalawang control center personnel; at 16 na station personnel kung saan, 14 sa mga ito ay mga ticket seller mula sa mga istasyon ng North Avenue, Quezon Avenue, GMA-Kamuning at Cubao.
Magugunita namang inianunsyo ng MRT3 nitong Lunes ang pansamantalang pagsuspinde ng kanilang operasyon hanggang sa ika-11 ng Hulyo upang bigyang-daan ang COVID-19 testing sa kanilang mga empleyado.