Tinutukan na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pagkakaroon ng free Wi-Fi sa mga pampublikong paaralan sa National Capital Region (NCR).
Ito ay para sa blended at distance learning platform ng Department of Education (DepEd).
Ayon kay DICT Assistant Secretary Manny Caintic, kailangan nilang makuha ang detalye sa DepEd kung kailan sisimulan ang simulation ng paggamit sa blended learning, gayundin kung kailan sisimulan ng mga estudyante ang pagda-download ng mga modules.
Ito aniya ay upang mapalakas pa ang signal o bandwidth ng internet sa naturang mga lugar.
Kasabay nito, tiniyak ni Caintic na kanilang sinisikip na malagyan ng internet connectivity ang iba pang mga public school sa bansa lalo na sa mga malalayong lugar.
Sa kasalukuyan, nasa 78 pampublikong paaralan sa NCR ang mayroon nang free Wi-Fi.