Hindi na dapat pagdudahan pa ang “timing” o tiyempo ng pagkakaroon ng sakit o problema sa kalusugan ni PhilHealth president Ricardo Morales at ECP-COO Arnel De Jesus.
Ito ang inihayag ni Senador Panfilo Lacson matapos magpadala nina Morales at De Jesus ng kopya ng kanila medical certificates, ilang araw bago ang pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado sa isyu ng katiwalian sa PhilHealth.
Ayon kay Lacson, hindi na rin maaaring sisihin sina Morales at De Jesus dahil tunay naman aniya ang kanilang mga rason para lumiban sa susunod na pagdinig ng Senado.
Sinabi ni Lacson, mismong oncologist na ni Morales ang nagbigay ng payo na mag-leave of absence muna ang opisyal habang matagal nang may pace maker si De Jesus.
Irerespeto natin advice ng doctor nila. Especially si Gen Morales. Nakakalungkot din, hindi biro-biro… Hindi natin siya puwede sisihin kasi talagang valid ang kanyang reason. At mismong ang oncologist niya nagsabi, in-advice niya pa mag-take ng leave of absence,” ani Senator Panfilo Lacson sa panayam ng DWIZ.
Una na ring sinabi ni Lacson na hindi kawalan ng Senado ang hindi pagdalo nina Morales at De Jesus sa susunod na pagdinig.
Ang magiging epekto nito, sa PhilHealth… It’s their loss. Ang alam ko, may mga bagong sasabihin ang mga resource persons. Tapos may bago kaming documents na medyo incriminating. So kung di nila ito masasagot during the hearing, kaya sinasabi ko di kawalan ng Senado yan,” dagdag pa ni Lacson.