Muling umapela ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na pigilan muna ang mga sarili at manatiling disiplinado sa paglabas ng tahanan.
Ito’y ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar ay upang maiwasan ang tinatawag na super spreader event sa iba’t ibang lugar na may mataas na kaso ng COVID-19 tulad ng Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Ayon kay Eleazar, kahit bumababa na ang bilang ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa NCR plus, dapat pa ring pairalin ang mahigpit na quarantine protocols upang maiwasang sumipang muli ang kaso.
Dahil dito, mahigpit na binilinan ng PNP Chief ang lahat ng kaniyang Chiefs of Police na dapat walang makalusot na super spreader event sa kanilang nasasakupan.
Magugunitang naitala ng PNP ang sunud-sunod na mga mass gatherings tulad ng tupada, pool party at drinking spree sa iba’t ibang panig ng NCR plus nitong nakalipas na mga araw kung saan, karamihan sa mga sangkot ay nagpositibo sa COVID-19.