Noong February 7, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pamamahagi ng 2,529 land electronic titles (e-titles) para sa 2,672 agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa Davao region.
Dito, nagbigay ng commitment si Pangulong Marcos sa pagkakaroon ng “genuine” agrarian reform upang mabigyan ng maginhawang buhay ang mga Pilipinong magsasaka.
Tumutukoy ang agrarian reform sa overall redirection ng agrarian system ng bansa. Kabilang dito ang redistribution ng pamahalaan sa mga lupang sakahan o land reform.
Sa Pilipinas, isinabatas ang Republic Act No. 6657 o Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) noong June 10, 1988 upang tapusin ang “unfair land ownership practices” sa pamamagitan ng paghahati ng lupa at pagbibigay ng titulo sa mga karapat-dapat nitong may-ari: ang ARBs.
Ang ARBs ang mga magsasaka at regular farmworkers na nagtratrabaho sa mga lupang sakahan na sinertipikahan ng Barangay Agrarian Reform Council (BARC).
Bagama’t ilang administrasyon na ang nagdaan, hindi pa rin kumpleto ang pamamahagi ng lupa para sa ARBs. Ito ang nais tuldukan ni Pangulong Marcos na nangakong tatapusin niya ang distribusyon ng lupang sakop sa CARP bago matapos ang kanyang termino sa 2028.
Patuloy naman itong pinagsisikapan ng administrasyon. Sa katunayan, noong nakaraang taon, mahigit 90,000 na titulo para sa 109,000 hectares ng lupa ang naipamahagi sa mga magsasaka. Halos doble ito sa target na 50,000.
Para kay Pangulong Marcos, unang hakbang pa lamang ang pamamahagi ng titulo. Pagtitiyak niya, magtutuloy-tuloy ang buhos ng tulong at suporta ng pamahalaan para sa mga Pilipinong magsasaka upang tuluyan na silang makaalis sa kahirapan.