Hinimok ng liderato ng Kamara ang pamahalaan na magkaruon ng unified contact tracing protocol sa gitna ng nagpapatuloy na banta ng COVID-19 pandemic.
Ito’y sa bisa ng inihaing resolusyon ni House Speaker Lord Allan Velasco na House Resolution 1536 na layong bumuo ng national contact tracing protocol para masigurong epektibo ang ginagawang data monitoring system sa bansa.
Paliwanag ni Velasco, kung ang kasalukuyang contract tracing sa bansa ang pagbabasehan, tinatayang aabot lamang sa pitong close contacts ng isang COVID-19 patient lamang ang natutukoy.
Ani Velasco, ang naturang datos ay malinaw na malayo sa close contacs na dapat matukoy sang-ayon sa ratio na 1 COVID-19 patient is to 37 contacts para sa mga urban areas, habang 1 COVID-19 patient is to 30 contacts para sa mga rural areas.
Dagdag pa ni Velasco, oras na pumasa ang naturang panukala, sa bubuuhing unified national contact tracing protocol ay kinakailangang tukuyin ang ahensya ng pamahalaan para magsilbing centralized repository of information o lagakan ng anumang makukuhang impormasyon para magkaruon ng maayos at maaasahang emergency response system.
Mababatid na sa ngayon, ang staysafe.ph ang ginagamit na digital contact tracing ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan.