Isinusulong ni House Committee on Agriculture Chair Mark Enverga ang paglalagay ng veterinarian sa bawat munisipalidad sa buong bansa.
Sinabi ni Enverga na kailangang ma-amyendahan ang Local Government code dahil mahalaga ito hindi lamang para sa African Swine Fever (ASF) kundi sa iba pang mga sakit na maaaring pumasok sa bansa.
Ayon kay Enverga, kailangang magsimula sa munisipalidad ang hakbang na masuri ng mga beterinaryo ang lumalaking babuyan sa kanilang lugar.
Ipinabatid ni Enverga na 44 mula sa halos 1,500 munisipalidad sa bansa ang mayruong beterinaryo dahil nakasaad sa Local Government code o Republic Act 7160 na tanging mga lalawigan at syudad lamang ang may beterinaryo.
Mahalaga aniyang ma-amiyendahan ang nasabing batas at magkaruon ng Animal Disease Act na magpaparusa sa mga nagtatapon ng patay na hayop na may nakakahawang sakit tulad ng lokal na pamahalaan ng Marikina.